Sinuspinde ng Malacañang, simula ala-1 ng hapon ngayong Biyernes (Agosto 28), ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno at klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa National Capital Region (NCR) at 16 pang lalawigan.
Ito’y batay sa Memorandum Circular No. 132 na inilabas ni Executive Secretary Ralph Recto, kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Suspendido rin ang klase at trabaho sa government offices sa mga lalawigan ng Abra, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Rizal, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.
Patuloy naman ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Maaari ring magpatupad ng karagdagang suspensyon ang mga lokal na punong ehekutibo, depende sa sitwasyon sa kanilang lugar.
Samantala, nakadepende sa pamunuan ng mga pribadong kumpanya ang suspensyon ng trabaho o pagpapatupad ng alternative work arrangements sa kanilang hanay.