Target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makapagtanim ng tatlong milyong puno sa buong bansa ngayong araw, Hunyo 25, kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Arbor Day.
Ang malawakang tree-planting activity na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa kalikasan, ibalik ang sigla ng mga nasirang ecosystem, at isulong ang napapanatiling pag-unlad (sustainable development).
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, gagamitin sa aktibidad ang mga katutubong puno (native at indigenous species), mga namumungang puno, bakawan (mangroves), at iba pang angkop na halaman. Itatanim ang mga ito sa mga pampublikong lugar, paaralan, kagubatan, watersheds, at mga baybayin sa may 1,642 lungsod at munisipalidad sa Pilipinas.
“Kasama ang ating mga partner sa konserbasyon at mga lokal na pamahalaan (LGUs), sasakupin ng nationwide effort ng DENR ang 1,538.11 ektarya ng lupain. Malaki ang maitutulong nito sa pagpapanumbalik ng ating ecosystem, pangangalaga sa biodiversity, proteksyon ng mga watershed, at katatagan laban sa climate change,” pahayag ni Cuna.
Inaasahang lalahukan ang aktibidad ng mahigit 188,000 katao mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, LGUs, civil society organizations, pribadong sektor, akademya, at mga lokal na komunidad. Pinili ang temang “Luntiang Bukas” ngayong taon upang itampok ang gampanin ng bawat Pilipino sa paglikha ng mas luntian at mas ligtas na pamayanan sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Pamumunuan mismo ni Secretary Cuna ang pagtatanim ng puno sa Gomburza National Monument sa Padre Burgos Avenue, Maynila.
Bahagi rin ang selebrasyong ito ng “5 Million Trees Program” ng DENR at ng pagpapatupad ng Forest Land Use Plans (FLUPs) ng mga LGU para sa pangmatagalang pagpapalawak ng mga luntiang espasyo sa bansa.
Upang matiyak ang transparensya, gagamit ng geo-tagged photographs ang mga lokal na tanggapan at magkakaroon din ng nationwide social media live relay para maipakita ang aktwal na partisipasyon ng mga komunidad sa buong kapuluan.
Ipinagdiriwang ang Philippine Arbor Day tuwing Hunyo 25 alinsunod sa Republic Act No. 10176. Layunin nitong paigtingin ang panawagan sa bawat mamamayan at institusyon na makiisa sa muling pagbuhay sa mga kagubatan at pangangalaga sa kalikasan.