Natanggap na ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang manifestation ng prosecution panel na buksan na sa kasalukuyang pre-trial conference ang BIR box na naglalaman ng tax records ng bise presidente.
Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga defense counsel ni VP Sara, kaninang umaga lamang nila natanggap ang manifestation at hindi pa niya ito lubusang nababasa.
Gayunman, sinabi ni Poa na hindi muna siya magkokomento hinggil dito at hihintayin na lamang ang kanilang pormal na reply.
Tiniyak naman ng defense team na hindi magiging dahilan ng pagkaantala ng proseso ang kanilang magiging tugon sa manifestation ng prosekusyon.
Ibinahagi rin ni Poa na hindi pa matatapos ang pre-trial conference ngayong araw at inabisuhan pa sila na hanggang alas-siyete ng gabi ang pagmamarka ng mga ebidensya.