Photo courtesy | Taiwan Ministry of National Defense
Patuloy na pinalalakas ng Taiwan ang kahandaan ng militar nito buhat sa posibleng paglusob ng China sa kanilang isla.
Ayon kay Taiwan Defense Minister Wellington Koo, mahalagang masubukan ang kakayahan ng kanilang sandatahang lakas lalo na sa bilis na makakilos mula sa panahon ng kapayapaan hanggang sa aktuwal na labanan.
Kasalukuyang nagsasanay ang Taiwan ng limang araw na “immediate combat readiness” na nakatuon sa mabilisang pagresponde sa posibleng pagsiklab ng digmaan.
Bahagi ng pagsasanay ang senaryong gawing tunay na opensiba ng China ang mga regular nitong military exercises sa paligid ng Taiwan.
Halos araw-araw na rin umanong nagsasagawa ng operasyon ang militar ng China malapit sa isla kabilang ang kamakailang pagdaan ng pinakabagong aircraft carrier nito sa Taiwan Strait.
Samantala, kinondena ng Beijing ang nasabing military exercises ng Taiwan at muling iginiit na hindi nito isinasantabi ang paggamit ng puwersa upang maisakatuparan ang layunin nitong pag-isahin ang Taiwan at mainland China.