Arestado ng mga awtoridad ang isang 36-anyos na lalaking kinilalang Provincial Most Wanted Person ng Cavite sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Gatbo, Ocampo, Camarines Sur.
Ayon sa Police Regional Office 5 (PRO 5), isinagawa ang operasyon sa magkasanib na puwersa ng Bacoor City Police Station, Ocampo Municipal Police Station, at 5th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion. Nadakip ang suspek na alyas “Mel” sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong Qualified Sexual Assault of a Minor, na may inirekomendang piyansang ₱180,000.
Ipinaalam sa naarestong indibidwal ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Warrant Section ng Bacoor City Police Station para sa kaukulang proseso.
Ayon sa PRO 5, ipinapakita ng operasyon ang kahalagahan ng intelligence-driven operations at koordinasyon ng mga police unit sa pagtugis sa mga wanted person. Tiniyak ng PRO 5 na patuloy nitong paiigtingin ang law enforcement operations upang walang mapagtataguan ang mga lumalabag sa batas sa Bicol Region.
📸 PRO 5