Patuloy na pinag-iingat ng Navotas LGU ang mga residente sa banta ng Leptospirosis.
Sa inilabas na surveillance report, nakapagtala na ang lungsod ng 29 kaso ng Leptospirosis mula January 1 hanggang August 29, 2026 kung saan 27 ang gumaling na habang dalawa ang nasawi.
Ayon sa LGU, bagamat 31% mas mababa ang bilang ng kaso kumpara noong nakaraang taon, kapansin-pansin ang biglaang pagtaas ng mga kaso ngayong buwan.
Pinapayuhan ang mga residente na iwasang lumusong sa baha at huwag balewalain ang mga sintomas gaya ng lagnat, matinding pananakit ng katawan o kalamnan, sakit ng ulo, pagsusuka, pamumula ng mata at paninilaw ng balat o mata.
Samantala, bagamat walang pasok sa mga Health Center ng Navotas City ngayong Araw ng mga Bayani, maaari pa ring magtungo sa Navotas Medical and Wellness Center ang mga indibidwal na nangangailangan ng doxycycline bilang post-exposure prophylaxis laban sa Leptospirosis para sa assessment at pamamahagi ng gamot.