Kasunod ng malawakang ulan na dala ng Habagat, agad na kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mahatiran ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa tala ng ahensya, may inisyal nang 71,686 Family Food Packs (FFPs) ang naipamahagi nito sa mga komunidad mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, Metro Manila, at CALABARZON.
Pinakamarami ang naihatid na food assistance sa mga pamilya sa Central Luzon na nakakuha ng 63,009 FFPs na sinundan ng 6,212 sa National Capital Region, 2,324 sa Cordillera Administrative Region, at 141 sa CALABARZON.
Ang mga FFP ay naglalaman ng pangunahing pagkain na maaaring makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya habang nakararanas ng epekto ng kalamidad.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong residente at maipaabot ang kinakailangang food assistance.