Iginiit ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Dr. Shirley Agrupis ang mahigpit na pagsunod ng komisyon sa mga alituntunin ng pamahalaan sa pamimili o procurement.
Ito ay kaugnay ng mga kontrobersya at isyung lumutang kamakailan hinggil sa umano’y hindi pa nabayarang transaksiyon sa isang lokal na supplier para sa mga souvenir na may kinalaman sa ASEAN, na umabot na sa siyam na buwan.
Ayon kay Agrupis, napaka-“ingat” ng kanilang ahensya sa mga transaksiyong may kinalaman sa procurement.
Dagdag pa niya, regular nilang binabayaran ang kanilang mga supplier sa tamang oras—subalit kailangan munang maisumite ang mga kinakailangang dokumento para sa beripikasyon.
“Records show that we pay our suppliers on time, but if there are suppliers that cannot submit their documents or give verification on the documents— then we cannot cut corners and expedite the payment,” pahayag ni Agrupis.
Ipinaliwanag din niya, na hindi sila maaaring lumihis sa batas o magmadali sa pagbabayad dahil lamang naging viral na ito sa media.
Aniya, maaaring lumikha ito ng mapanganib na precedent kung saan mapipilitan silang magbayad kahit hindi sumunod ang supplier sa mga rekisitos na itinakda ng Government Procurement Policy Board (GPPB) o ng batas sa procurement.
“So, dapat matingnan nang maiigi kasi if we pay the suppliers because it has viraled already in the media, then baka it will create a precedent— that even if the supplier does not comply with the requirements as prescribed by the GPPB or procurement law, then we are forced to pay,” dagdag pa niya.