Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE)
Masayang ibinalita ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit sa 600,000 manggagawa at kasambahay sa Western Visayas at SOCCSKSARGEN ang makikinabang sa bagong wage adjustment.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino kabilang dito ang 193,000 minimum wage earners at 161,000 kasambahay sa Western Visayas, gayundin ang 209,000 minimum wage earners at 38,000 kasambahay sa SOCCSKSARGEN.
Kasunod ito ng pinagtibay na wage order ng National Wages and Productivity Commission (NPC) at ni Labor Sec. Francis Tolentino.
Sa Western Visayas, madaragdagan ng ₱40 hangganng ₱45 ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Dahil dito, magiging ₱590 na ang minimum wage sa malalaking non-agricultural establishments habang ₱565 naman sa maliliit na negosyo at sektor ng agrikultura.
Makakakuha rin ng ₱500 dagdag sa buwanang sahod ang mga kasambahay, kaya magiging ₱7,000 na ang kanilang minimum wage.
Sa SOCCSKSARGEN naman, kabuuang ₱41 ang itataas sa arawang minimum wage na ipatutupad sa dalawang tranche.
Unang ipatutupad ang ₱16 dagdag-sahod sa Nobyembre 19, habang ang natitirang ₱25 ay magkakabisa sa January 1, 2027.
Madaragdagan din ng ₱450 kada buwan ang minimum wage ng mga kasambahay sa rehiyon, mula ₱8,000 ay magiging ₱8,450 na.
Inaasahang ilalathala ngayong November 4 ang apat na wage order, habang November 19 naman magsisimula ang pagpapatupad ng mga bagong dagdag-sahod, maliban sa ikalawang tranche sa SOCCSKSARGEN na sa January 2027 pa ipatutupad.