Muling iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kanyang mariing pagtutol sa panukalang magkaroon ng joint oil and gas exploration ang Pilipinas at China sa karagatan ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Teodoro, walang sapat na batayang legal upang ituloy ang naturang kooperasyon.
Dagdag pa niya, labag ito hindi lamang sa Saligang Batas ng bansa kundi maging sa makasaysayang 2016 Arbitral Award.
Aniya, walang umiiral na balidong pag-aangkin o overlapping claims na magbibigay-katwiran upang makipag-negosasyon pa ang Pilipinas sa panig ng China hinggil sa nasabing usapin.
Reaksiyon ito ng kalihim kasunod ng mga akusasyon ng Embahada ng China na umano’y siya ang nagsabotahe sa mga naunang kasunduan ukol dito.
Ngunit nilinaw ni Teodoro na si dating Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagtapos at nagkansela ng mga usaping pang-eksplorasyon noong 2022, at nanindigan siyang tama lamang na tutulan ito dahil sa kawalan ng legal na basehan.