Patuloy na pinaalalahanan ng NLEX Corporation ang mga motorista kaugnay sa pagbaha at mabigat na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX), partikular sa San Simon, Pampanga.
Batay sa road at traffic condition alas-6 ng umaga ngayong August 31, pansamantalang sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Libtong Exit northbound dahil sa pagbaha. Mabigat naman ang trapiko sa Candaba Viaduct, gayundin sa Tulaoc kung saan may naitalang water buildup sa lahat ng lanes.
Sa Tulaoc at San Simon Interchange, bukas ang Lane 1 para sa lahat ng uri ng sasakyan at Lane 2 para sa Class 2 at 3 vehicles, habang hindi madaanan ang Lane 3 dahil sa pagbaha.
Pinapayuhan ang mga motoristang papalapit sa San Simon, kapwa northbound at southbound, na gumamit ng San Simon Exit at muling pumasok sa NLEX sa pamamagitan ng San Simon Entry para maiwasan ang bahang bahagi ng expressway. Para naman sa mga southbound na motorista na nais bumalik ng northbound, maaari ring gamitin ang mga U-turn slot bago ang Tulaoc Overpass at bago ang San Simon Interchange.
Tiniyak naman ng NLEX Corp. na may naka-deploy nang mga patrol officer sa mga apektadong lugar para umalalay sa mga motorista sa daloy ng mga sasakyan.
