Nagpaabot ng kanilang pagbati at pakikiisa ang Department of National Defense (DND) sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani ngayong Lunes.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na mananatiiling buhay ang mga ginawang sakripisyo ng ating mga Bayani at mananatiling buhay ang kanilang mga nasimulan para sa paghahatid ng kasarinlan.
Bagaman, maraming dekada na aniya ang lumipas, sinabi ng Defense Chief na mananatiling buhay sa ala-ala ng sambayanan ang kanilang mga ipinaglaban upang magsilbing inspirasyon na harapin ang mga hamon sa kasalukuyan.
Dahil dito, sinabi ni Teodoro na makaaasa ang bawat Pilipino na patuloy nilang itataguyod ang laban para sa Kalayaan, Kapayapaan at Kapakanan ng bawat Pilipino.
Ito aniya ang kanilang sagradong obligasyon hindi lang sa mga ninuno kundi maging sa susunod na henerasyon.