Kinuwestiyon ni Senador Ping Lacson ang hindi bababa sa ₱241 billion na fragmented ayuda at libu-libong multi-purpose buildings o MPBs sa panukalang 2027 national budget, na tinawag niyang patronage o “papogi spending.”
Ayon kay Lacson, kabilang sa bersyon ng Senado ang ₱241 bilyong ayuda, na mas mababa sa ₱263 bilyon sa bersyon ng Kamara.
Kinuwestiyon din niya ang pondo para sa 3,950 MPBs, bukod pa sa 1,584 gusaling sakop ng Local Government Support Fund (LGSF).
Sinabi ng senador na may mga MPB na nakatanggap na ng pondo noong 2024, 2025 at 2026 at muling pinaglalaanan sa 2027 budget, kahit wala pa ring naitayong gusali sa mga itinakdang lugar.
May mga proyektong umabot pa aniya sa apat na magkakahiwalay na alokasyon.
Sinabi ni Lacson na ipapakita niya sa interpellation sa plenary deliberations ang mga kuha ng drone na magpapatunay sa mga naturang proyekto.
Giit rin ng senador, dapat ituon ang pambansang pondo sa mga produktibong gastusing makapagpapasigla sa ekonomiya, sa halip na sa mga proyektong hindi tiyak ang pakinabang.
Kabilang din sa mga kinuwestiyon niyang programa ang MAIFIP, TUPAD, AICS at Tulong Dunong.
Iminungkahi ni Lacson na ilipat sa Universal Health Care program ang pondo para sa MAIFIP, habang dapat dumaan sa Commission on Higher Education (CHED) ang scholarship assistance sa halip na ipamahagi nang direkta ng mga mambabatas.