Hinimok ni Bureau of Corrections o BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga naka-unipormeng tauhan ng ahensya na samantalahin ang mga kinakailangang pagsasanay at leadership development programs para sa kanilang career advancement.
Ayon kay Catapang, mahalaga ang mga kursong ito upang maging kuwalipikado ang mga tauhan sa promosyon at mapunan ang mga bakanteng posisyon sa ahensya.
Batay sa pinakahuling datos ng BuCor, anim lamang ang nag-aaplay para sa 42 bakanteng posisyon bilang Chief Corrections Inspector.
Apat naman ang aplikante para sa 67 bakanteng posisyon bilang Senior Corrections Inspector.
Sa hanay naman ng Corrections Senior Officer, 23 lamang ang nag-aaplay para sa 124 na bakanteng posisyon bilang CSO4, habang 34 ang aplikante sa 90 bakanteng CSO3 positions.
Iisa lamang ang nag-aaplay para sa posisyon ng CSO2, habang 82 naman ang aplikante sa 88 bakanteng posisyon bilang CSO1.
Dahil dito, muling hinikayat ni Catapang ang mga tauhan na tapusin ang mga kinakailangang career courses at leadership training upang mapalawak ang kanilang oportunidad na ma-promote.
Binigyang-diin ng BuCor chief na mahalaga ang patuloy na pagsasanay at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga tauhan upang mapalakas ang organisasyon at mapahusay ang serbisyo ng Bureau of Corrections.