Nakatakda nang makauwi sa Pilipinas ang 19 na Pilipinong tripulante ng LPG tanker na MT Gas Husky ngayong linggong ito
Ito ay matapos maisaayos ang kanilang travel documents sa pagtutulungan ng licensed manning agency (LMA), shipowner, Labor Attaché Marietta Dela Cruz ng Migrant Workers Office (MWO)-Budapest, at Philippine Embassy sa Bucharest.
Kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Varna, Bulgaria ang mga tripulante habang hinihintay ang kanilang flight pauwi sa Pilipinas sa susunod na linggo upang muling makapiling ang kani-kanilang mga pamilya.
Una rito, tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga tripulante, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Matatandaan na matapos ang insidente ng MT Gas Husky noong November 17, agad bumisita ang MWO-Budapest upang kamustahin, magbigay ng mga pangunahing pangangailangan, at maghatid ng agarang tulong-pinansyal sa mga tripulante.
Kasama rin sa pagbisita ang mga kinatawan ng shipowner, LMA, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Budapest, bilang bahagi ng One Country Team na pinangungunahan ng Philippine Embassy.