Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot lamang sa P797.80 ang halaga ng bawat kahon ng prepacked Family Food Pack o FFP, na ipinamamahagi sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.
Taliwas ito sa kumakalat na social media post na nagsasabing P1,503.84 ang presyo nito.
Ayon sa DSWD, ang naturang halaga ay ang itinakdang maximum price sa bidding process kung saan ang 2 Go Global International Corporation ang nanalo at nagbigay ng pinakamababang compliant bid na P797.80 kada kahon.
Kabilang na sa halagang ito ang delivery cost at manpower, pati na ang laman ng bawat FFP.
Giit ng DSWD, lahat ng procurement para sa Family Food Packs ay dumadaan sa competitive bidding at transparent ang proseso na ito alinsunod sa Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act.