Kasado na ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan upang tulungan ang mga kababayang apektado ng masamang panahon dulot ng Habagat at ng binabantayang bagyong #Pilandok sa dulong Hilagang-Silangan ng Luzon.
Mula nitong weekend, sunod-sunod ang pulong na isinasagawa ng National Inter-Ageny Coordinating Cell (NIACC) para talakayin ang pinakahuling sitwasyon gayundin ang lagay ng panahon.
Pinangunahan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Harold Cabreros ang pagpupulong, kasama ang iba pang opisyal ng OCD at NDRRMC.
Kabilang sa mga tinalakay ang lagay ng panahon, kondisyon ng mga dam, daluyan ng tubig, at iba pang kritikal na lugar, gayundin ang isinagawang response activities sa mga apektadong rehiyon.
Una rito, nakataas ang RED Alert sa National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NRRMOC) para tutukan ang paghagupit ng bagyo at habagat sa Luzon gayundin sa iba pang bahagi ng Visayas.

