Photo courtesy of Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña
Maghahain ng resolusyon si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña upang maimbestigahan in aid of legislation, ang industriya ng pet aftercare at cremation services sa bansa.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre sa hinihinalang dumpsite ng mga labi ng mga namayapang alagang hayop o fur babies.
Aniya, hindi na maituturing na isolated incidents ang sunod-sunod na pagkakatagpo sa mga lugar na pinagtatapunan ng mga labi ng mga alagang hayop.
Hinala ni Cendaña, posibleng may sindikatong nasa likod ng mga iligal na gawain, kaya dapat aniyang mapanagot at makulong ang mga nanloloko sa mga pet owners o fur parents.
Kasabay nito, isusulong din nila ang pagpapalakas sa panukalang ALAGA Bill sa pamamagitan ng pagsasama sa mga paglabag ang paglapastangan sa mga labi ng alagang hayop at mga mapanlinlang na gawain ng mga pet aftercare facilities, na papatawan ng mas mabibigat na parusa.
Hinimok din ni Cendaña ang mga lokal na pamahalaan na maging mas aktibo sa pag-iinspeksyon sa mga pasilidad na nag-aalok ng cremation at burial services upang matiyak na naibibigay ng mga ito ang serbisyong ipinangako sa mga kliyente.
May usapin din kasi aniya dito ng kalinisan at kalusugan ng publiko dahil posibleng malagay sa panganib ng sakit at impeksiyon ang mga komunidad na pinagtatapunan ng mga labi ng hayop.