Nakipagpulong si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa mga kinatawan ng Philippine restaurant industry para alamin ang mga problemang kinakaharap ng mga negosyante at pag-aralan kung paano ito matutugunan ng pamahalaan.
Ginanap ang dayalogo sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City nitong Martes, bilang bahagi ng pag-aaral para sa planong pagbuo ng Investment Ombudsman.
Layon ng pag-aaral na matukoy ang mga proseso at regulasyon ng pamahalaan na nagdudulot ng abala sa mga negosyo, nakahahadlang sa pamumuhunan, o maaaring magbukas ng pagkakataon para sa korapsyon.
Ilan sa mga isyung idinulog ang pagdami ng mga pekeng PWD ID at mga problema sa pangongolekta ng buwis.
Ipinaliwanag naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na bahagi ng tungkulin ng Ombudsman ang pagpigil sa korapsyon, hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal, kundi pati sa pagtukoy at pagtugon sa mga sistemang nagbibigay-daan sa ganitong gawain.