Umabot sa 19 na indibidwal ang inaresto ng Manila Police District o MPD sa iba’t ibang kilos-protesta sa Maynila kasabay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit sa bansa noong nakaraang linggo.
Ayon sa MPD, apat sa mga inaresto ang mga menor de edad, habang isa naman ang classified bilang child in conflict with the law o CICL.
Naganap ang mga pag-aresto sa Plaza Lawton, Malate at Sta. Mesa.
Sa Plaza Lawton, siyam ang inaresto. Anim sa mga ito ang inireklamo ng Office of the City Prosecutor dahil sa resistance and disobedience to persons in authority, habang tatlo naman ang inirefer para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa anim na inireklamo, pinayagan ang mga ito na makapagpiyansa matapos maglabas ng kaukulang kautusan ang Manila Regional Trial Court. Samantala, inilagak naman sa Youth Reception Center ang CICL.
Sa Malate, dalawa ang inaresto at sumailalim sa inquest proceedings. Kalaunan ay pinayagan din ang mga ito na makapagpiyansa.
Habang sa Sta. Mesa, walo ang inaresto, kung saan apat sa mga ito ang napatunayang menor de edad at kalaunan ay itinurn-over sa Manila Department of Social Welfare.
Tiniyak naman ng MPD na ginagalang nito ang karapatan ng bawat isa na magsagawa ng mapayapang pagtitipon at magpahayag ng kanilang paninindigan, gayunpaman, dapat anilang isinasagawa ang mga ito nang naaayon sa batas. | ulat ni DK Zarate