Nailipat na sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 175 ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban kina Charlie “Atong” Ang at Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa, na may kaugnayan sa Manila Arena case.
Una nang inaprubahan ng Manila RTC Branch 185 ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang information sa kaso.
Ito ay matapos matukoy ng prosecution panel na may sapat na prima facie evidence upang isampa ang mga nasabing paratang laban sa mga akusado.
Matapos nito, naghain ang kampo ng depensa ng motion for inhibition laban sa presiding judge ng Branch 185, na pinagbigyan naman ng korte.
Dahil dito, muling isinailalim sa raffle ang kaso at nailipat sa RTC Branch 175.
Samantala, ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, naghain ang depensa ng motion to defer arraignment and suspend proceedings dahil sa nakabinbing petition for review nito sa Department of Justice (DOJ). Naitala na ng korte ang nasabing mosyon at hinihintay na lamang ang susunod na hakbang at pagdinig sa kaso.