Ipinunto ni House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua ang mga financial record at forensic findings na iniharap na ng prosekusyon sa impeachment court, matapos lumabas sa isang survey na halos kalahati ng mga Pilipino ang naghihintay pa rin ng ebidensya bago magdesisyon sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chia, maayos nang nailatag ng prosekusyon ang mga ebidensya sa Senado bilang tugon sa panawagan ng publiko para sa isang desisyong nakabatay sa katibayan.
Batay sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, apatnapu’t pitong porsyento (47%) ng mga adult Filipinos ang nagsabing gusto muna nilang makita ang iba pang ebidensya bago magpasya kung dapat bang ma-convict o mapawalang-sala si Duterte.
Tinukoy ni Chua ang naunang testimonya ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura kung saan nadiskubre ang tinatayang P4.4 billion kabuuang covered at suspicious financial transactions ng mag-asawang Duterte at Atty.Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Bukod dito, binanggit din ni Chua ang pagsusuri ng forensic accountant na si Atty. Alex Cabrera. Tinataya ng prosekusyon, batay sa ulat ni Cabrera, na aabot sa hindi bababa sa P817.87 million ang hindi naideklarang ari-arian o unexplained wealth ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025.
Bagama’t nagharap na ng mga testigo ang depensa upang tugunan ang mga isyu sa corporate registrations at transaksyong pinansyal, iginiit ni Chua na hindi pa rin umano nasasagot nang sapat ang mga alegasyong nakasaad sa ulat ni Cabrera,kaya’t naghihintay pa rin sila ng matibay na kasagutan mula sa panig ng Bise Presidente.