Tiniyak ni Chief Justice Rodil Zalameda na gagawin ng Korte Suprema ang lahat ng nararapat na hakbang upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga hukom at kawani ng korte.
Pangangalagaan din aniya ang kalayaan ng hudikatura upang patuloy na makapaghatid ng katarungan sa mamamayan.
Ginawa ni Zalameda ang pahayag kasunod ng pagpaslang kay Judge Joseph Wee Sit ng Regional Trial Court Branch 2 sa Isabela City, Basilan.
Natambangan at napatay ang hukom noong Nobyembre 12 sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City.
Sa flag ceremony kanina, pinangunahan ni Zalameda ang sandaling katahimikan at panalangin bilang pag-alala sa nasawing hukom at pakikiramay sa pamilya nito.
Ayon kay Zalameda, nagsisilbing masaklap na paalala ang pagpaslang sa mga panganib na kinakaharap ng mga hukom at kawani ng hudikatura sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Sa kabila nito, hindi aniya dapat magpatinag ang hudikatura sa takot at galit.
Binigyang-diin din ni Zalameda na walang banta ang makapipigil sa mga korte sa pagtupad sa kanilang tungkulin at patuloy na pagtataguyod ng katarungan. | ulat ni DK Zarate