Walang umanong sapat na batayan si VP Sara Duterte upang akusahan ang kapulisan na nagsisilbi sa interes ng mga politiko.
Ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ito ay dahil sa sariling rekord ng kanyang pamilya sa umano’y paggamit sa puwersa ng pulisya noong kasagsagan ng war on drugs.
Sa isang panayam, kinuwestiyon ni Chua ang naging pahayag ng Bise Presidente na nag-aakusa sa mga pulis na nagpapatupad umano ng interes ng mga politiko sa halip na manatiling apolitical, lalo na sa gitna ng mga alegasyon ng pagbabanta laban sa kanya,sa kanyang mga tauhan, at pamilya.
Ayon kay Chua.. nasorpresa siya sa mga statements ni VP Sara gayong sila ang may history ng violence at pagbabanta.
Tinukoy ng mambabatas ang libo-libong kaso ng extrajudicial killings (EJK) na iniuugnay sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, na kasalukuyang nasa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.
Sinabi rin niya na wala siyang nalalamang kasalukuyang isyu ng pang-aabuso ng pulisya gaya ng inaakusa ni Duterte, at iginiit na dapat ay inilabas na sa publiko ng Bise Presidente ang mga ebidensya kung totoong may dokumentadong banta laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
una nang sinabi ng Bise na mayroon siyang hindi bababa sa limang dokumentadong banta na umano’y kinasasangkutan ng mga tauhan ng pulisya laban sa kanya, sa kanyang staff, at pamilya. | ulat ni Melany Reyes