Nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang simulated Gas and Oil Platform o GOPLAT Take-Down exercise sa El Nido, Palawan.
Ayon sa AFP, bahagi ito ng Defense of the West Phase ng AFP Joint Exercise (AJEX) DAGITPA 2026, na pinangunahan ng Joint Special Operations Forces katuwang ang mga command and control personnel ng Western Command.
Ginamit sa drills ang Multi-Purpose Attack Craft, Rigid-Hull Inflatable Boat, ang MRRV 4411 ng Philippine Coast Guard, at mga SOKOL at Blackhawk helicopter.
Sinubok dito ang kakayahan ng mga sundalo na i-secure ang isang offshore platform, pigilan ang mga kalaban, sagipin ang mga bihag, at magsagawa ng medical evacuation.
Ipinakita ng pagsasanay ang kahandaan ng militar na protektahan ang critical maritime infrastructure ng bansa at tumugon sa anumang banta sa seguridad.