Patuloy ang reinforcing at sandbagging operation sa nasirang bahagi ng dike sa Ambayoan River, Purok 7, Barangay Legaspi, Tayug, Pangasinan, dahil sa malakas na agos ng tubig kasunod ng patuloy na pag-ulan.
Ayon sa sitwasyon nitong alas-2 ng hapon, mahigpit na binabantayan ng Lokal na Pamahalaan ng Tayug, MDRRMO, mga opisyal ng barangay, at iba pang katuwang na ahensya ang lugar.
Isinasagawa ang tuloy-tuloy na paglalagay ng mga sandbag at iba pang agarang hakbang, upang mapigilan ang pagpasok ng tubig sa mga kabahayan at mabawasan ang panganib ng pagbaha.
Pinapayuhan ang mga residente ng Purok 6 at Purok 7, na manatiling alerto at inirerekomendang pansamantalang lumikas sa mas ligtas na lugar habang nagpapatuloy ang banta ng pagtaas ng tubig.
Nakahanda rin ang mga sasakyan ng Tayug LGU at mga bus para sa posibleng paglikas.
Pinapayuhan ang publiko na sumubaybay sa mga opisyal na anunsiyo para sa mga susunod na update.