Hinimok ni House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers ang media, social media vloggers at mga spokesperson na gawing mas maikli at mas madaling maintindihan ang mga ulat tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, mahalagang gawing simple ang pagpapaliwanag sa mga teknikal at legal na usapin upang hindi mawalan ng interes ang ordinaryong mga Pilipino sa paglilitis.
Sinabi niya na nasa ika-20 hearing day na ang impeachment trial, kung saan malaking bahagi ng mga pagdinig kamakailan ay nakatuon sa Article I at sa mga dokumento, audit rules at proseso sa confidential funds.
Aminado si Barbers na maaaring mainip ang publiko sa mahahabang pagdinig, lalo na kapag teknikal o legal ang mga tinatalakay. Hiniling din niya na manatiling nakabatay sa mga aktuwal na nangyari sa Impeachment Court ang pagpapaliwanag ng media at iba pang tagapagsalita, lalo na’t mabilis kumalat online ang mga clips at magkakaibang interpretasyon sa mga testimonya.