Nakatutok ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa sitwasyon sa EDSA, gayundin sa iba pang lugar na apektado ng malaking pagtitipon ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw.
Ayon sa MMDA, activated na rin ang kanilang Emergency Operations Center (EOC) para sa mas mabilis na aksyon at koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay MMDA General Manager Usec. Nicolas Torre III, naka-deploy na ang kanilang traffic personnel at mga pulis sa kahabaan ng EDSA, partikular sa harap ng People Power Monument sa Quezon City, kung saan nagkaroon ng pagtitipon.
Alinsunod sa direktiba ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, ita-tow at titiketan ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa kahabaan ng EDSA-White Plains Avenue, sa pakikipagtulungan ng PNP-Highway Patrol Group.
Partikular na mino-monitor ng MMDA ang sitwasyon sa EDSA at Liwasang Bonifacio sa Maynila sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) cameras sa MMDA Communications and Command Center.
Naka-standby rin ang mga kagamitan at sasakyan ng ahensya na handang magsakay ng mga pasaherong maaaring maapektuhan ng pagtitipon.


