Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglunsad ng “Walang Gutom Kitchen” at “Bawat Bayan Makikinabang” sa lungsod ng Zamboanga.
Unang binisita ng pangulo ang launching ng Walang Gutom Kitchen ng DSWD sa barangay Tetuan nitong siyudad kung saan personal na nag-ikot ang pangulo sa pasilidad at nakihalubilo kasama ang mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Sinalubong ang Pangulo ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kasama ang ilang opisyal ng pamahalaang lokal ng Zamboanga.
Matapos ang pagbisita ng pangulo sa food bank facility ay nagtungo ito sa Western Mindanao State University Gymnasium upang pangunahan din ang launching ng “Bawat Bayan Makikinabang sa Zamboanga Peninsula”.
Namahagi si Pangulong Marcos ng kabuuang P371 milyon para sa mga barangay at benepisyaryo ng Presidental Scholars Program sa Region 9 na pinondohan sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Sa kanyang talumpati, ipinaalala ni Pangulong Marcos sa mga scholar na ang edukasyon na ibinibigay ng pamahalaan sa taong bayan ay hindi pribilehiyo bagkus ito ay kanilang karapatan.
Kaya siniguro ng pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat para matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagtutulangan ng bawat isa upang mas marami pang matulungang mahihirap at mararamdaman ang idinadalang serbisyo ng pamahalaan.