Ipinakilala ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) ang isang makabagong teknolohiyang Pilipino na nagko-convert ng used cooking oil at used engine oil upang maging 100 porsiyentong biodiesel.
Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, maaaring makatulong ang teknolohiya sa sektor ng transportasyon dahil ang nagagawang biodiesel ay may mataas na cetane rating na maaaring magpabuti sa performance ng mga diesel engine.
Sinabi naman ng imbentor ng makina na maaari itong makatulong sa pagtitipid sa konsumo ng gasolina at pagpahaba ng buhay ng makina dahil mas malinis ang proseso ng pagsunog ng biodiesel.
Bukod sa benepisyo sa mga motorista, layunin din ng teknolohiya na mabawasan ang polusyon sa pamamagitan ng pagrerecycle ng mga ginamit na mantika at langis na maaaring makasama sa kapaligiran.
Iminungkahi rin ang pakikipagtulungan sa mga barangay at lokal na pamahalaan para sa pangongolekta ng used cooking oil mula sa mga kabahayan at negosyo na gagamiting hilaw na materyales sa paggawa ng biodiesel.
Ayon kay Marquez, mayroon nang kasunduan ang LTOP at Climate Change Commission para suportahan ang programa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtangkilik sa mga lokal na imbensyon, lalo na sa ilalim ng Tatak Pinoy Act ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. | ulat ni Rey Ferrer