Naniniwala ang House Prosecution Panel na naipaliwanag nang maayos ni National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung ang kaniyang mga testimonya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Si Calilung ang unang testigo ng prosekusyon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay House Prosecution Panel Legal Spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa, sinabi nito na mula sa isinagawang cross examination ng defense panel kay Calilung, pinatunayan nito na lehitimo o tunay ang pagbabanta ni Vice President Duterte buhat sa iprinisintang video evidence ng prosecution.
Ani Tolosa, wala na ring question sa authenticity ng video dahil mismong ang depensa ay gumamit din nito mula sa kanilang pag-uusisa.
Paliwanag pa ng abogado, sa grave threat ay hindi na kailangang patunayan na nagawa ang pananakot.
Ang importante aniya ay mapatunayan na ginawa ito at nagdulot nang takot sa pinatutungkulang biktima lalo na kung mayroong kakayahan ang taong nagbanta na gawin ito.