Photo courtesy of National Dairy Authority FB
Makasisigurong dekalidad, masustansiya, at ligtas para inumin ang mga gatas at dairy products na gagamitin para sa Milk Feeding Program ng pamahalaan para sa mga kabataan.
Sa panayam ng programang Bangon, Bayang Mahal kay National Dairy Authority (NDA) Administrator, Atty. Marcus Antonius Andaya mahigpit ang mandato ng kanilang ahensiya pagdating sa food safety protocols.
Mula kasi sa pagbibigay ng lisensiya sa dairy farms ay masinsinan na ang ginagawang inspeksiyon ng NDA, hindi rin pinalulusot sa proseso ang mga gatas na dinadala sa mga processing center hangga’t umabot ito sa pinal na produkto na binubusisi at sinusuring mabuti ng NDA, bago mabigyan ng sertipikasyon at mailabas sa merkado.
May mga itinakda ring protocols ang NDA pagdating sa pagbibigay ng gatas sa mga kabataan upang matiyak na sariwa at maayos ang kondisyon nito bago makonsumo ng mga bata.
Dagdag ni Andaya, magkaibang uri ng gatas ang ibinibigay para sa mga paaralang nasa malalayong lugar, ito nga ay ang sterilized milk na may mas matagal na shelf life.