Patuloy nang bumababa ang bilang ng mga pasahero at kargamentong na-stranded sa mga pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa paglayo ng Bagyong Inday sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling maritime safety advisory ng Philippine Coast Guard (PCG) mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ngayong Hulyo 12, nasa 357 na lamang ang kabuuang bilang ng mga na-stranded na pasahero, truck driver, at cargo helper sa 20 pantalan sa bansa. Umabot naman sa 117 rolling cargoes ang hindi pa rin makabiyahe dahil sa masamang lagay ng panahon. Samantala, 74 na sasakyang pandagat at 15 motorbanca ang pansamantalang sumisilong pa rin para sa kaligtasan. Pinakamaraming na-stranded ang naitala sa Southern Tagalog at Western Visayas.
Patuloy namang mino-monitor ng Philippine Coast Guard ang lagay ng mga pantalan at hinihikayat ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at shipping lines para sa pinakahuling abiso bago bumiyahe upang makaiwas sa abala.