Samu’t saring tagumpay sa usapin ng kita, modernisasyon ng mga pantalan, digital innovation, at pagpapalakas ng kalakalan at turismo ang iniulat ng Philippine Ports Authority o PPA kasabay ng pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo nito.
Ayon sa PPA, nakapagtala ito ng pinakamataas na taunang kita na umabot sa P30.09 bilyon noong fiscal year 2025. Nagdeklara rin ang ahensya ng rekord na P5.33 bilyong dibidendo para sa pambansang pamahalaan, ang pinakamalaking dividend remittance sa kasaysayan nito.
Kabilang din sa mga milestone nito ang rehabilitasyon at pagpapalawak ng ilang pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, patuloy na paglago ng cruise tourism, at pagpapatupad ng Online Reservation Assistance System o ORAS na nagpadali sa pagbiyahe ng libo-libong pasahero noong Semana Santa.
Dagdag pa ng PPA, patuloy din ito sa pagpapaigting ng digital transformation at pagpapahusay sa kakayahan at kapakanan ng mga empleyado upang higit pang mapaunlad ang serbisyo publiko.
Itinatag sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 505 noong ika-11 ng Hulyo 1974, nananatili ang PPA bilang isa sa mga pangunahing government-owned and controlled corporations (GOCCs) na nangangasiwa sa pagpaplano, pagpapaunlad, at pamamahala ng mga pantalan sa buong bansa.