Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Hindi ang social media ang pangunahing ugat ng pagkakaroon ng anxious attachment style ng isang indibidwal, kung hindi ang mga karanasan nito noong siya ay bata pa.
Ito ang binigyang-diin ni John Dexter Bugaoan, isang Guidance Counselor mula sa The Earth School-Palawan at kilalang content creator, sa isang panayam ukol sa impluwensya ng makabagong komunikasyon sa mentalidad ng tao.
Ayon kay Bugaoan, bagama’t talamak ang paggamit ng iba’t ibang digital platform ngayon, hindi ito ang direktang pinagmumulan ng matinding paninibago o takot sa isang relasyon.
Samantala, tinalakay din sa panayam ang mapanirang epekto ng emotional suppression o pagkimkim ng damdamin, partikular na sa mga taong may avoidant attachment style.
Ipinaliwanag ng eksperto na ang hindi paglalabas ng totoong saloobin ay nagdudulot ng malaking pinsala sa personal na kalusugan at sa takbo ng isang relasyon.
Karaniwan umanong nagiging takbuhan at “band-aid solution” ang linyang “Ok lang ako” upang magpanggap na maayos na ang sitwasyon kahit hindi naman ito totoo.
Babala ni Bugaoan, ang ganitong sistema ay nagbubunga ng mas malubhang komplikasyon sa katawan at isipan.
Bilang pagtatapos, ipinayo ng counselor na napakahalagang matutong maging bukas at ilahad ang nararamdaman sa bawat pagkakataon.
Hinikayat din niya ang publiko na subukan ang journaling o ang pagsusulat ng talaarawan bilang epektibong paraan ng paglalabas ng emosyon.