Bahagyang umangat ang unemployment rate ng bansa nitong Mayo, mula 4.7% noong Abril, umakyat ito sa 4.8%. Katumbas ito ng 2.5 milyong Pilipinong walang trabaho. Bumaba naman nang kaunti ang employment rate sa 95.2%, pero may malaking ginhawa sa datos, lumubog ang underemployment mula 15.2% noong Abril tungo sa 12.2% nitong Mayo.
Sa unang tingin, tila magkasalungat ang mga numero. Mas mataas ang unemployment, pero mas marami ang employed—49.63 milyon ngayong Mayo kumpara sa 48.89 milyon noong Abril. Samantala, lumiit ang bilang ng underemployed sa 6.04 milyon mula 7.41 milyon.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, ipinaliwanag ni financial analyst Jonathan ‘Jonas’ Ravelas na may natural na dahilan kung bakit sabay tumataas ang bilang ng employed at unemployed. Tuwing panahon ng graduation, dumadagsa ang bagong pasok sa labor force. Kahit may nadagdag na employed, may nadagdag din na unemployed, mga bagong graduate na naghahanap pa lang ng trabaho. Kaya nababaluktot ang datos dahil mas marami ang bagong miyembro ng workforce.
Para kay Ravelas, magandang senyales ang malaking pagbaba ng underemployment. Matagal na itong problema ng bansa, mga Pilipinong may trabaho pero kulang ang oras o kita. Ang pagbaba nito ay indikasyon na may gumagalaw na programa para ma-upskill at ma-retrain ang mga manggagawa, lalo na ngayong mas hinahanap ng employers ang digital at AI-related skills.
Posible aniyang may kontribusyon dito ang mga training programs ng pamahalaan, gaya ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, pero kailangan pang tingnan ang mas detalyadong datos para matukoy kung gaano kalaki ang naging epekto.
Gayunpaman, nagbabala si Ravelas na ang 4.8% unemployment rate ay nasa “delikadong threshold.” Kapag lumampas ito sa 5%, aniya, masasabing hindi na maganda ang takbo ng job market.