Muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang matatag na paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award ngayong araw.
Sa isinagawang National Peace Walk, binigyang-diin ng AFP na hindi dapat ipagkamali ang hangarin ng Pilipinas para sa kapayapaan bilang tanda ng kahinaan.
Ayon sa pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa kaganapan, hindi lamang para sa mga Pilipino ang mensahe ng pagkakaisa sa naturang pagdiriwang, kundi paalala rin sa mga dayuhang patuloy na umaangkin sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Idiniin din ni Brawner na patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang mapayapang paglutas sa sigalot sa pamamagitan ng internasyonal na batas, ngunit hindi ito nangangahulugang isinasantabi ng bansa ang pagtatanggol sa soberanya nito.
Kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award, tiniyak ng AFP na patuloy nitong poprotektahan ang teritoryo at maritime rights ng Pilipinas, habang isinusulong ang kapayapaan batay sa batas at ang pagtatanggol sa pambansang soberanya.
