Nangako si Senador Kiko Pangilinan na susuriing maigi ng Senado ang panukalang 7.2-trillion pesos national budget para sa 2027, partikular ang paggamit ng unprogrammed appropriations.
Sinabi ni Pangilinan na mahalagang matiyak na maayos at malinaw ang paggasta ng pera ng bayan, lalo na sa mga programang may kinalaman sa pagkain, agrikultura, edukasyon, kalusugan at paghahanda sa kalamidad.
May mahalagang papel aniya ang civil society organizations, gaya ng People’s Budget Coalition, sa pagtukoy ng mga posibleng iregularidad sa panukalang budget.
Gagamitin din aniya bilang batayan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara ng ilang unprogrammed appropriations sa 2024 at 2025 national budgets bilang labag sa Konstitusyon.
Binigyang diin din ni Pangilinan na dapat i-livestream ang bicameral conference committee proceedings sa pag-aayos ng bersyon ng budget ng Senado at Kamara at isapubliko ang mga napagkasunduan, kabilang ang mga desisyong ginawa sa mga closed-door meeting. | ulat ni Nimfa Asuncion