Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno na magtulungan para maging mas simple ang mga requirements sa negosyo at makatulong sa paglago ng maliliit na negosyante.
Kasunod ito ng desisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na suspendihin muna ang mandatory online posting ng BIR Registration Seal Badge para sa online sellers at content creators habang sinusuri ang mga usapin sa data privacy at teknikal na aspeto nito.
Ayon kay Cayetano, mahalagang tulungan, sa halip na pahirapan, ang mga maliliit na negosyante na nagsisikap na magkaroon ng maaasahang kabuhayan at mapalago ang kanilang negosyo sa pormal na sektor ng ekonomiya.
Giniit ng minority leader na kailangan ng mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno para mabawasan ang oras at hirap na ginugugol ng mga negosyante sa pagsunod sa mga proseso at requirements.
Dapat din aniyang magkaroon ng kapaligirang nagbibigay ng kumpiyansa sa maliliit na negosyo na magpatuloy at lumago, nang hindi isinasantabi ang proteksyon sa mga mamimili, personal na impormasyon at kita ng pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni Senator Alan ang online sellers, content creators at iba pang stakeholder, kabilang si Senadora Pia Cayetano, na nagpahayag ng kanilang mga pangamba sa naturang polisiya.
Ayon sa senador, mahalagang pakinggan ang mga taong direktang nakararanas ng mga proseso para makabuo ng mas angkop na mga patakaran at mapalakas ang tiwala ng publiko sa gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion