Nasa Cebu ngayon si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. para sa pormal na pagbubukas ng 20th ASEAN Defence Ministers’ Meeting (ADMM) at 13th ADMM-Plus sa Lapu-Lapu City.
Sa kaniyang pambukas na mensahe, ipinunto ni Teodoro ang kahalagahan ng pagkakaisa, functional cooperation, at nagkakaisang pagtatanggol sa soberanya.
Sinimulan ng kalihim ang kaniyang mensahe sa pamamagitan ng pagpaabot ng pakikiramay sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya na naapektuhan ng mas madalas at malalakas na kalamidad. Pinasalamatan din niya ang patuloy na tulong ng ASEAN neighbors sa Pilipinas na aniya ay dumadating bago pa man tumama ang kalamidad gaya ng bagyo, pati na rin ang suporta sa katatapos lamang na ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience sa Maynila.
Matapos balikan ang mga tagumpay ng alyansa ngayong taon tulad ng paglagda sa mga kasunduan at kooperasyon, inilatag ng kalihim ang tatlong pangunahing mensahe para sa pagpupulong.

Una ang internal stability at pagkakaisa ng ASEAN na siyang pagpapanatili ng pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba-iba, paggalang sa soberanya ng bawat isa, at pagtakwil sa paggamit ng banta o pwersa.
Pangalawang punto ni Teodoro ang functional cooperation kung saan nabibilang ang patuloy na pagpapalakas ng maritime security, pagtugon sa mga hamon sa supply chain dulot ng mga sigalot sa labas ng rehiyon, at ang sama-samang paghahanda sa banta ng Super El Niño.
Pangatlong mensahe ng host country ay ang pagtugon sa mga banta sa rehiyon.
Ayon kay Teodoro, mahalaga ang paglinang ng tapat at bukas na talakayan batay sa tiwala at kooperasyon upang mas epektibong harapin ang mga hamon bilang indibidwal na nasyon at bilang isang buong rehiyon.
Umasa si Teodoro na ang mga pag-uusap ngayong linggo ay magbibigay ng mga bagong oportunidad upang mapanatili at maipagtanggol ang soberanya ng bawat kasaping bansa.