Photo courtesy of PTV
Upang matugunan ang pangangailangan sa malinis at ligtas na inuming tubig lalo na sa panahon ng mga kalamidad, emergency, at banta ng El Niño, patuloy na isinusulong ng Department of Science and Technology – Industrial Technology Development Institute o DOST-ITDI ang kanilang makabagong inobasyon, ang Safe Water Treatment System o SAFEWATRS.
Sa panayam ng PTV kay DOST-ITDI Environmental and Biotechnology Division Senior Science Research Specialist Engr. Dante Vergara, ang SAFEWATRS ay espesyal na idinisenyo upang maging solusyon sa mga lugar na hirap abutin o may limitadong access sa malinis na tubig.
Kabilang sa mga natatanging katangian nito ang compact, mobile at solar-powered, pagkakaroon ng mabilis at malaking kapasidad ng tubig na aabot sa 400 litro ng tubig ang napo-proseso kada batch at kaya rin nitong idaan sa treatment ang iba’t ibang uri ng tubig mula groundwater, deep well, bukal, ilog, sapa, at maging tubig-ulan.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 42 yunit ng SAFEWATRS ang na-deploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Bicol Region, Mindanao, Ilocos, La Union, Pangasinan, Tarlac, Quezon City, Laguna, at Rizal.
Ang bawat unit ay may tinatayang halaga na umaabot sa ₱350,000 hanggang ₱500,000 depende sa lokasyon at karagdagang features tulad ng mobile trailer.
Para sa mga komunidad o indibidwal na nais makita nang personal ang operasyon ng SAFEWATRS, maaaring makipag-ugnayan sa mga regional offices ng DOST o bisitahin ang kasalukuyang eksibit nito sa Regional Science, Technology, and Innovation Week sa Bacolor, Pampanga.