Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez na ang limitadong pondo at kakulangan sa budget ang pangunahing dahilan kung bakit naantala ang mga pangunahing proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Lopez, kahit gaano kahusay ang sistema ng pagpapatupad o implementation ng isang ahensya, hindi ito uusad nang naaayon sa takdang oras kung salat sa pinansiyal na suporta.
“Kahit anong implementation mo, kung walang pondo, kung kulang ang pondo… maaantala’t maaantala [ito],” pahayag ni Lopez.
Bilang patunay sa mga epekto ng ganitong suliranin sa mga pampublikong programa, partikular na binanggit ni Lopez ang kasalukuyang konstruksyon ng MRT Line 7.
Ayon sa kalihim, umaasa siyang magsisimula na ang partial operations ng nasabing linya ng tren pagdating ng 2027.
Samantala, nilinaw rin ni Lopez na magpapatuloy ang kanyang malapit na pakikipagtulungan kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Matatandaang pormal na nagpalitan ng mga posisyon at pinamumunuang kagawaran ang dalawang opisyal noong Monday, October 26.
Sa kabila ng pagpapalit ng tungkulin, tiniyak ng dalawang opisyal na mananatili ang kooperasyon ng DPWH at Department of Transportation (DOTr) upang matiyak na maipagpapatuloy ang mga estratehikong programa para sa modernisasyon ng imprastruktura sa bansa.