Naka-full alert na ang Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 7 upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan habang pinaghahandaan ang pagdaraos ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus o ADMM-Plus sa lalawigan ng Cebu.
Sa panayam ng PTV kay OCD Spokesperson Junie Castillo, sinimulan na ang pag-deploy ng mga tauhan noong nakaraang linggo, at pormal na itinaas sa Red Alert status ang Emergency Preparedness and Response o EPR nitong Sabado.
Mahigit 200 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ang nakatalaga ngayon sa mga Emergency Operations Center (EOC) at Incident Command Post (ICP) malapit sa mga venue, hotel, at paliparan. Sila ay sumasailalim sa 24/7 rotation para sa mas pinaigting na pagbabantay.
Kabilang sa mga pangunahing ahensyang nakatutok sa iba’t ibang bahagi ng paghahanda ang sumusunod:
DOH — Para sa Medical Emergency
BFP — Para sa Fire Suppression
AFP — Para sa Search, Rescue, and Retrieval (SRR)
DICT — Para sa Emergency Telecommunications
DSWD— Para sa Evacuation and Camp Management
DPWH — Para sa Engineering, Logistics, at Disaster Risk Reduction and Management
Bukod dito, naghanda rin ang pamahalaan ng mahigit 30 command vehicles, kabilang ang mga ambulansya at fire trucks, upang matiyak ang kahandaan ng bawat sangay ng pamahalaan para sa tagumpay ng naturang pagtitipon ng defense ministers mula sa 11 bansa ng ASEAN at iba pang katuwang na bansa.