Aarangkada na bukas, October 28, ang mga pagpupulong sa sa isasagawang 20TH ASEAN Defence Ministers’ Meeting at 13th ADMM-Plus sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Magsasagawa ng mga pagpupulong dito sa Cebu hanggang sa October 29, 2026 ang defense ministers at mga delegado mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN gayundin ang walong mga bansang dialogue partners ng ASEAN na kinabibilangan ng Estados Unidos, Australia, Japan, New Zealand, China, India, Republic of Korea at Russia.
Ayon kay Deparrment of National Defense Assistant Secretary Arsenio Andolong, sa ilalim ng chairship ng Pilipinas ngayong taon, naglalayon itong palakasin ang kooperasyon at ugnayan ng mga bansa sa rehiyon, at mapanatili ang mga makabuluhang diyalogo kaugnay sa defense cooperations para sa isang payapa, ligtas at matatag na Indo-Pacific region.
Maliban sa ADMM at ADMM-Plus, magkakaroon rin ng dalawang Defence Ministers’ Informal Meeting ang ASEAN kasama ang Estados Unidos at Japan. Dagdag pa ni Asec. Andolong na sa pagtatapos ng mga pagpupulong,inaasahan ang paglagda sa mga joint statements kaugnay sa mga mapag-uusapang paksa.
Napag-alaman na ang 20th ADMM at 13th ADMM-Plus na isasagawa sa bansa ngayong taon ay natuon sa ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation (TAC) sa Southeast Asia na nagtataguyod sa paggalang sa soberanya, non-interferrence o hindi pakikilaam at ang mapayapang pag-ayos ng mga hidwaan.