Nililinaw ng Article 370 ng Civil Code na may pagpipilian ang isang babaeng may asawa sa paggamit ng kanyang pangalan.
Kabilang sa mga opsiyon ang paggamit ng kanyang pangalan noong dalaga pa siya kasama ang apelyido ng asawa, paggamit ng kanyang pangalan at apelyido ng asawa, o paggamit ng buong pangalan ng asawa na may panandang gaya ng “Mrs.”
Ayon kay Atty. Ariel Inton , isinusulong ni Cong. Bel Zamora sa House Bill 1548 ang pagbibigay ng malinaw na legal na karapatan sa mga babaeng may asawa na patuloy na gamitin ang kanilang maiden name at apelyido sa lahat ng opisyal na rekord at legal na dokumento kahit kasal na.
May ilang eksperto sa batas na nagsasabing hindi na kailangan ang panukala dahil may umiiral nang batas tungkol sa paggamit ng pangalan ng babaeng may asawa.
Gayunman, layunin ng panukala na malinaw na kilalanin ang opsiyong panatilihin ang buong pangalan noong dalaga pa, nang walang obligasyong gamitin ang apelyido ng asawa.
Binigyang-diin na ang paggamit ng pangalan ay dapat nakabatay sa pagpili ng babae at hindi sa kagustuhan ng kanyang asawa. | ulat ni DK Zarate