Pormal nang binuksan ang dalawang araw na Mindanao Development Forum 2026 sa Davao City kung saan layong palakasin ang pamumuhunan, imprastraktura at mga oportunidad sa ekonomiya sa Mindanao.
Tampok sa dalawang araw na forum ang mga talakayan hinggil sa kakayahang makipagkompetensiya ng Mindanao, investment at financing landscape, PPPs, emerging at high-growth opportunities, agriculture at agribusiness, energy at imprastraktura, BARMM’s economic development, at iba pang priority sectors.
Layunin din ng pagtitipon na pagsama-samahin ang mga kinatawan ng pambansa at lokal na pamahalaan, pribadong sektor, financial institution, development partners, academe at iba pang sektor upang matukoy ang mga oportunidad sa negosyo at pamumuhunan sa rehiyon.
Bahagi rin ng forum ang Investment and Partnership Marketplace na magsisilbing plataporma para sa business matching, investment pitching at pagbuo ng mga posibleng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, mamumuhunan at mga development partners.
Inaasahang magsisilbing daan ang forum upang mapalawak ang ugnayan ng mga sektor at maisulong ang mga proyektong magpapalakas sa ekonomiya at pag-unlad ng Mindanao.
Pinangunahan ang pagbubukas ng forum nila Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Leo Tereso Magno, kasama si Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.

