Iginiit ni Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda na dapat ituring na umakto nang may good faith ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtaas ng unprogrammed appropriations, hangga’t walang patunay na kabaligtaran ang kanilang ginawa.
Inilahad niya ito sa interview ng Judicial and Bar Council o JBC kahapon, bilang bahagi ng proseso ng pagpili sa susunod na Chief Justice.
Ayon kay Zalameda, kinilala mismo ng Korte Suprema na hindi labag sa Saligang Batas ang unprogrammed appropriations bilang budget mechanism. Kaya para sa kanya, hindi dapat basta panagutin ang mga opisyal sa mga hakbang na kinilala namang constitutional.
Dagdag niya, ipinagpapalagay na regular at naaayon sa tungkulin ang mga ginawa ng public officials, hangga’t walang desisyon ang korte na nagsasabing invalid ang mga ito.
Nilinaw rin ni Zalameda na hindi nagpasya ang Korte Suprema sa posibleng pananagutan ng mga opisyal sa kasong may kaugnayan sa unprogrammed funds, dahil hindi ito kabilang sa mga isyung iniharap sa Korte.
Gayunman, hindi siya sumang-ayon sa desisyon ng mayorya tungkol sa dagdag na 449.5 billion pesos sa unprogrammed appropriations sa 2024 national budget.
Para kay Zalameda, constitutional ang nasabing dagdag dahil standby funds ang mga ito na maaari lamang ilabas kapag may karagdagang pondong mapagkukunan.
Sa Supreme Court ruling , idineklarang unconstitutional ang naturang dagdag, gayundin ang 17.99-billion-peso increase sa Special Road Fund sa 2025 budget at ilang probisyon sa pagpapalabas ng unprogrammed funds sa 2026 budget.
Samantala, kabilang si Zalameda sa limang mahistradong sumailalim sa interview para sa posisyon ng Chief Justice. Papalitan nila si Chief Justice Alexander Gesmundo, na magreretiro sa November 6, 2026.