Nagbabala ang National Capital Region Police Office o NCRPO sa publiko laban sa mga nagpapanggap na pari na nag-aalok ng basbas at dasal kapalit ng pera sa mga sementeryo at columbarium ngayong Undas.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, hindi dapat hayaan ng publiko na maabuso ang kanilang emosyon at tiwala ng mga mapagsamantalang indibidwal.
Pinaalalahanan ang lahat na maging maingat lalo na sa mga namimilit, nagtatakda ng sapilitang halaga ng bayad, o nagiging agresibo kapag kinukuwestiyon ang kanilang pagkakakilanlan.
Iginiit din NCRPO na ang mga lehitimong serbisyong panrelihiyon ay palaging nakikipag-ugnayan sa mga opisina ng sementeryo at lokal na parokya
Pinapayuhan ang mga bumibisita na agad ireport ang mga kahina-hinalang tao sa pinakamalapit na Police Assistance Desk, security personnel ng sementeryo, o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya sa Metro Manila. | ulat ni Louisa Erispe