Nanawagan si Caloocan City Second District Representative Edgar “Egay” Erice sa Kongreso na itama ang kuwestiyonableng alokasyon sa panukalang 2027 national budget nang hindi nauuwi sa reenacted budget.
Ayon kay Erice, dapat repasuhin ng Senado ang panukalang budget na inaprubahan ng Kamara.
Iminungkahi niyang gawing panimulang batayan ang National Expenditure Program sa pagsusuri ng mga proyektong pang-imprastraktura, farm-to-market roads at irigasyon, kabilang ang mga sobrang alokasyon sa ilang distrito.
Gayunman, dapat pa rin aniyang suriin ang bawat pondo batay sa pangangailangan at kahandaan ng proyekto.
Hiniling din ni Erice na dagdagan ang pondo para sa edukasyon at kalusugan, kabilang ang tinatayang P170 billion na karagdagang pondong hinihingi ng PhilHealth.
Giit niya, dapat unahin ang mga silid-aralan, guro, ospital at serbisyong pangkalusugan kaysa sa mga proyektong walang sapat na katwiran.
Matapos ang pagsusuri ng Senado, hinimok niya ang dalawang kapulungan na tiyaking transparent ang bicameral conference committee o bicam upang mapanatili ang mga kinakailangang pagbabago at maiwasan ang pagbabalik ng mga kuwestiyonableng probisyon. | ulat ni Kathleen Forbes