Binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina A. Roque na ang tunay na halaga ng pamumuno at pagho-host ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 2026 ay hindi nasusukat sa dami ng mga pulong na idinaos, kundi sa mga konkretong oportunidad na nalikha nito para sa mga Pilipino.
Sa isang mensaheng ibinahagi ng Philippine Information Agency (PIA), ipinaliwanag ni Roque na ginamit ng bansa ang chairmanship nito upang isulong ang interes ng Pilipinas, buksan ang pinto para sa mga lokal na negosyo, palakasin ang seguridad sa ekonomiya, makaakit ng mga bagong pamumuhunan, at makalikha ng mas maraming trabaho.
“The value of hosting ASEAN is not measured by the meetings we held, but by the opportunities we created for Filipinos,” ani Roque.
Dagdag pa ng kalihim, ang pangunahing trabaho ngayon ay tiyaking maisasalin sa aktuwal na benepisyo para sa taumbayan ang mga napagkasunduan sa ASEAN—kabilang ang mas maraming puhunan at eksport, mas matatag na mga negosyo, mas maayos na trabaho, at mas kompetitibong ekonomiya ng Pilipinas.
Inihayag din ni Roque ang kahandaan ng Pilipinas na makipagtulungan nang malapit sa Singapore, ang susunod na magiging chair ng ASEAN, upang maipagpatuloy ang nasimulang momentum tungo sa isang mas nagkakaisa, makabago, at maunlad na rehiyon.
Tinukoy din niya ang malaking potensyal ng ASEAN bilang isang bloke sa pandaigdigang merkado dahil sa malawak nitong populasyon, malakas na kakayahang bumili, at saganang oportunidad na lalong magpapatatag sa Timog-Silangang Asya.